Wednesday, December 23, 2009

Found this in my Yahoomail

First World Philippines Bulletin

Posted by CKate Cu

Sa mahigit na isang daang taon nating paggunita sa ating kalayaan, sa dami ng People Power na nabuo sa Edsa, sa ilang ulit nating pagbangon pagkaraan ng mga bagyo at kalamidad at sa milyon milyong Pilipinong umaaalis ng bansa upang maghanap ng kapalaran sa ibang bansa, natanong na ba natin sa ating mga sarili kung kelan natin maabot ang tagumpay ng isang bansang may matatag na ekonomiya, kultura, pulitika, suguridad at pagkilala sa sarili?

Marahil sa dinami dami ng mga unos at problemang dumarating sa buhay natin, hindi na natin maisip na posibleng mapabilang ang ating bansa sa mga nangunguna sa kahit anong larangan. Ngunit hindi mo ba napapansin kung gaano kagaling ang mga Pilipino? Mayroon tayong angking galing at talino na hinahangaan ng ibang bansa. Madalas na tayo ang hinahanap na manggagawa dahil sa ating sipag at kakayahan. Tunay na maipagmamalaki rin ang ating kaalaman sa agham, teknolohiya, sining, palakasan at medisina. Nakakalungkot lang na ang nakikinabang sa mga ginintuang karunungan ng ating mga kababayan ay ibang lahi. Madalas, ang pagkilala ay naibibigay sa kung saang bansa naghahanapbuhay ang Pilipino, at hindi mismo sa ating lahi na siya namang nanguna sa kung ano mang pag-aaral na nagawa.

Alam nyo ba na ang Pilipinas ang isa sa pinaka-mayamang bansa sa Asya sa larangan ng likas yaman. Mayroon tayong maipagmamalaking yamang tubig, yamang bundok at yamang mineral. Bukod dito, kay raming mga mga hayop at halaman na sa atin lamang makikita. Sadyang pinagkalooban tayo ng kay gandang mga biyaya. Ngunit bakit tila wala ng nakikitang pag-asa ang ating mga kababayan dito sa ating bansa? Sa tingin ko, hindi lang ito dahil sa ating pamahalaan o pulitika, bagaman isa itong malaking punto, at hindi rin dahil sa disiplina, dahil makikita natin na disiplinado naman ang mga Pilipino sa ibang bansa, kung hindi ito dahil nawawala na rin ang ating pagpapahalaga sa sarili nating lahi. Di nga ba't marami sa atin ang nais na maging mamamayan ng ibang bansa? Napapansin mo ba na maraming dayuhan ang nais ditong manirahan? Ang ganda ng ating bansa, at nakikita yun ng ibang lahi. Bakit hindi mo iyon makita?

Kapatid, maaaring sa ngayon mahirap isipin ang ikapangyayari na maging isang FIRST WORLD COUNTRY ang Pilipinas. Ngunit hindi ibig sabihin nito ay titigil kaming maniwala na ito ay balang araw magkakatotoo. Pilipino ka, Pilipino tayo. Bakit hindi tayo magkasundo na iangat ang ating bansa? Bakit hindi nating tanggaling ang ating mga pag-aalinlangan at ibuhos natin ang pag-ibig sa bayan at isulong ang bayanihan. Kaya natin ito. Halina't makisama at tayo nang maging bagong simula!

No comments: